‘Di lahat ng legal ay makatarungan. ‘Di lahat ng hatol ay makatotohanan. Inosente lang ang naniniwala
Sa simula ng paglilitis kay Chief Justice Renato Corona, isa ako sa mga umasang ang impeachment ay magsisilbing instrumento para maliwanagan tayo kung bakit kailangan matanggal ang punong mahistrado sa pwesto.
Umasa akong hindi lamang mailalatag ang mga ebidensiya para sa mga senador—ito rin ay maipapakita sa mga simpleng taong tulad ko.
Umasa akong kapag nagdesisyon ang Impeachment Tribunal, ito ay base sa lahat ng ebidensiyang maari nilang makalap. Samakatuwid, umasa akong ang Impeachment Tribunal ay magiging instrumento para sa katotohanan at katarungan.
Kaya naman lubos ang aking pagkabigo nang mapakinggan ang opening statement ni Dean Eduardo delos Angeles para kay Corona kung saan ipinaalala niya ang kaso ni Harry Stonehill. Si Stonehill ay isang Amerikanong negosyante na inusig ni dating Secretary of Justice Jose W. Diokno dahil sa kanyang pagsuhol sa mga opisyal ng gobyerno.
Natagpuan sa bahay ni Stonehill ang mga edidensiyang kayang magpatunay ng kanyang krimen. Kasama pa dito ang isang “blue book” kung saan nakatala ang pangalan ng mga linkod bayang nagpasuhol sa Amerikano.
Ngunit matapos ang tatlong araw, ipinagbawal ng Korte Suprema ang paggamit ng blue book at iba pang dokumento bilang ebidensiya. Si Stonehill at lahat ng mga nagpapasuhol na opisyal ay nakaiwas sa pagkaaresto. Inutusan ni dating pangulong Diosdado Macapagal si Secretary Dioko na mag-resign. Nagmalaki pa si Stonehill. “Lahat ng tao ay nababayaran,” aniya. “Ako ang gobyerno ng Pilipinas.”
Hindi tama ang nangyari sa kaso ni Stonehill; hindi ito makatarungan. Ngunit ayon sa Defense Panel ni Chief Justice Corona, ito ang batas. Ito ang legal. Ito ang hatol ng Korte Suprema.
Sa mga sumunod na araw, paulit-ulit na ipinaalala sa atin ng mga abogado ni Corona ang ganitong pag-iisip. Ang ebidensiya daw ay “immaterial.” Ang testimonya daw ay “hearsay.” Hindi ‘yan naaayon sa batas. Ako po ay nahiyang magsalita, natakot magsulat dahil ano ba ang alam ko sa batas. Hindi ako abogado at malamang babagsak ako kapag kumuha ng klase ni Sen. Miriam sa Peyups.
Ngunit sa haba ng paglilitis ay napansin ko ring ‘di naman dapat ako nananahimik. Ilang ebidensiya ang naitago at pilit na itinatago sa likod ng teknikalidad: 1) Ang mga dollar accounts ni Chief Jusitce Corona. 2) Ang kanyang privilege card sa Philippine Airlines. 3) Ang mga testimonya ng security guard ng Korte Suprema na bigla na lang naglaho mula sa holding room ng Senado. 4) Ang testimonya ng iba pang mga hukom ng Korte Suprema.
Ang batas ay hindi po laging makatarungan. Ang mga hatol ng mga korte ay hindi po laging makatotohanan. May mundong malawak sa labas ng mga kwarto ng Korte Suprema. At ang katarungan ay mas makakabuluhan sa mga teknikalidad ng batas.
Walang nakakahiya sa pagsusulong para sa makatotohanan at makatarungang paglilitis. Hindi porke’t wala tayong alam sa batas ay magpapatumpik-tumpik na tayo sa pagpapahayag ng ating mga opinyon. Inosente lang ang naniwalang hustisya ang habol ng mga abogado. Kung may kikilos pa para sa katarungan, sana tayo na iyon.
We’re updating our operations
This will serve as temporary homepage as we clean up. We apologize for the inconvenience.Manuel Buencamino’s “‘Yun lang!”
Doy Santos’ In the Final Analysis



















Pingback: [Day 25] ‘Di lahat ng legal ay makatarungan. ‘Di lahat ng hatol ay makatotohanan. Inosente lang ang naniniwala | Ang Paglilitis